Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa Japanese government at hiniling na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa panloloko na bomb threats na natanggap ng ilang ahensiya ng gobyerno sa bansa.
Ayon sa CICC may mga hakbang na silang ginagawa at nakikipag-ugnayan na sila sa Japanese government.
Siniguro naman ng CICC na walang dapat ika-alarma ang publiko dahil kanilang nabatid na ang sender at email address ay nai-tag bilang hoax o panloloko lamang.
Ang nasabing email na naglalaman ng bomb threats ay nanggaling sa Japan na may locally registered domain.
Hindi lamang ang Pilipinas ang nakatanggap ng hoax bomb threat kundi maging ang ibat ibang government agencies sa Seoul, South Korea.
Nilinaw naman ng CICC na ang mga apektadong government agencies ay inabisuhan na magpatupad ng kanilang mga respective emergency evacuation procedures bilang bahagi ng kanilang preparedness efforts at emergency protocols.
Nabatid na nasa anim na ahensiya ng pamahalaan at local government units ang nakatanggap ng bomb threats.
Kabilang sa mga ahensiya na nakatanggap ng bomb threats ay ang Department of Education (DepEd) division office sa Bataan, local government ng Iba probinsiya ng Zambales at Department of Environment and Natural Resources (DENR) head office sa Quezon City.