ROXAS CITY – Dumadagsa ngayon ang ilang mga Chinese nationals na nakabasi sa Vancouver, Canada sa mga botika o drugstores upang makabili ng mga face masks na kanila pang ipinapadala sa kanilang pamilya sa China dahil sa novel coronavirus.

Ito ang inihatid na ulat sa Bombo Radyo Roxas ni Bombo international correspondent Mariz Dunton, tubong Panit-an, Capiz at nakabasi ngayon sa Vancouver, British Columbia, Canada.

Ayon kay Dunton, kapansin-pansin na rin ang pag-iingat ng mga Canadians sa pamamagitan ng pagsuot ng mga face masks lalo na sa mga public transports.

Umiiwas din umano ang mga tao sa pagpunta sa mga pampublikong lugar bilang pag-iingat na rin kontra sa naturang sakit.

Nabatid na una nang iniulat ng Toronto Public Health na nakatanggap sila ng impormasyon patungkol sa pinakaunang presumptive confirmed case ng coronavirus sa kanilang bansa.