-- Advertisements --

Nagbabala si Chinese President Xi Jinping kay US President Donald Trump na maaaring humantong sa “giyera o matinding komprontasyon” ang dalawang bansa kung magkakamali ng hakbang kaugnay sa isyu ng Taiwan.

Binitawan ng Chinese President ang matapang na pahayag sa kanilang pormal na summit meeting ni Trump sa Great Hall of the People sa Beijing.

Sa kaniyang talumpati, binigyang-diin ni Xi na ang usapin ng Taiwan ang pinakasensitibo at pinakamahalagang isyu sa ugnayan ng US at China.

Ayon sa ulat ng mga media sa China, sinabi ni Xi na kapag hindi maayos ang pamamahala sa isyung ito, malalagay sa “lubhang mapanganib na sitwasyon” ang relasyon ng dalawang makapangyarihang bansa.

Idineklara ng lider ng China na ang ideya ng kasarinlan ng Taiwan at ang kapayapaan sa rehiyon ay parang “tubig at apoy” na hindi kailanman magkakasundo.

Bago naman ang close-door meeting, mainit ang naging simula ng dalawang-araw na summit kung saan pinuri ni Trump si Xi bilang isang “dakilang pinuno” at “kaibigan”.

Habang seryoso naman si Xi sa usapin ng Taiwan, mas nakatutok naman si Trump sa pakikipagnegosasyon upang resolbahin ang trade war, partikular ang pagbili ng China ng mga agricultural products, enerhiya, at mga eroplano mula sa US.

Nangyari ang babala matapos aprubahan ng US ang bilyon-bilyong dolyar na halaga ng ibebentang armas sa Taiwan, na mariing tinututulan naman ng China.

Agad namang sumagot ang Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan sa naging pahayag ni Xi. Ayon sa Taiwan, ang China lamang ang nag-iisang banta at sanhi ng kawalan ng katatagan sa rehiyon dahil sa patuloy na militarisasyon at agresibong panggigipit nito sa paligid ng isla.