IMG20191217111441

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang 15 Chinese nationals na sangkot sa human trafficking dito sa Pilipinas.

Lumalabas na kapwa Chinese nationals din ang biktima ng mga ito.

Ang mga suspek ay iprinisinta sa National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa umano’y pambubugaw sa mga babaeng nabiktima.

Ayon kay NBI Spokesperson Ferdinand Lavin, ang mga suspek ay nahuli sa dalawang magkahiwalay na operasyon sa Las PiƱas.

Aabot naman sa 17 babaeng Chinese na sinasabing mga prostitutes ang nasagip ng NBI.

Sinabi ni Atty. Joel Tovera, hepe ng NBI Anti-Organized and Transnationals Crime Division, ang mga na-rescue na babaeng Chinese ay ni-recruit daw para magtrabaho sa Pilipinas, ngunit nabiktima ng deception o panlilinlang.

Nang dumating ang mga babaeng dayuhan sa bansa ay mistulang na-hostage na sila dahil ang papasukan pala nila ay prostitusyon.

Sistematiko umano ang prostitution activities ng mga ito na ang operasyon ay ginagawa sa isang secluded o tagong gusali at hindi nagpapapasok ng mga Pilipino.

Ang booking ay nangyayari umano sa pamamagitan ng Chinese application na ang rate o babayaran ng mga kustomer ay mula P6,000 hanggang P18,000 kada oras.

May nagaganap din daw na pag-take-out sa mga prostitutes.

Ayon kay NBI Deputy Director For Investigative Service Vicente de Guzman, ang pagkakahuli sa mga Chinese ay isang babala ukol sa mga krimeng dulot o may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) sa bansa.

Nakipag-ugnayan na aniya ang gobyerno ng China sa NBI na nagpahayag na ng interes para habulin ang mga sindikato na dawit sa prostitusyon at maging sa mga kaso ng kidnapping sa mga Chinese.