-- Advertisements --

Inihayag ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na hindi nanghingi ng permiso ang China hinggil sa paglalayag ng dalawang barko nito sa Philippine Rise.

Ito ang isiniwalat ng opisyal kasunod ng mga ulat na mayroong dalawang Chinese research vessels ang namataan sa naturang teritoryo na pasok exclusive economic zone ng Pilipinas.

Giit ni Malaya, tanging ang Pilipinas lamang ang may karapatan sa naturang lugar at kung mayroon man aniyang maritime o marine research vessels doon ay wala silang karapatan na magsagawa ng research o gumawa ng anumang exploration nang walang pahintulot ng ating pamahalaan.

Aniya, may karapatan na dumaan sa Philippine Rise ang naturang mga barko ngunit wala aniyang karapatan ang mga ito na mag-explore at research sa lugar.

Sakaling mapatunayan aniya nagsasagawa talaga ng marine research ang mga barko ng China sa Philippine Rise ay ito ay malinaw na maituturing na ilegal na aktibidad.

Samantala, kaugnay nito ay pinaiimbestigahan na ngayon ng NSC sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard ang naturang insidente.