-- Advertisements --

CEBU CITY – Inatasan ngayon ni Cebu City acting Mayor Mike Rama ang Cebu City Police Office na taasan ang police visibility sa lungsod kasunod ng mga insidente ng pamamaril kung saan isang radio commentator ang binawian ng buhay matapos binaril sa harap mismo ng radio station na pinagtrabahuan nito sa Barangay Mambaling.

Ipinag-utos din ni Rama na lutasin ang mga krimen sa lalong madaling panahon dahil nagdudulot umano ito ng pag-aalala at pangamba para sa kaligtasan ng publiko.

Samantala, dalawang anggulo ngayon ang tinitingnan ng Mambaling PNP sa pagpatay sa komentaristang si Rey Cortes kabilang na rito ang personal na alitan at ang isa’y posibleng may kaugnayan sa trabaho.

Naisugod pa sa Cebu City Medical Center si Cortes matapos ang pamamaril ngunit binawian din ng buhay dahil sa natamong tama ng bala sa braso at dibdib.

Bago ang pamamaril, nagsagawa pa ng Facebook live si Cortes kaugnay sa kanyang programa pasado alas-7:30 hanggang alas-8:30 ng umaga.

Matapos nito, pasakay na sana sa sasakyan pauwi ang biktima para ipagdiwang ang kaarawan ng asawa nang bigla na lang itong binaril ng hindi pa nakikilalang suspek.

Dati na ring binaril si Cortes pero nakaligtas ito.

Nananawagan naman ngayon ang National Union of Journalists of the Philippines-Cebu chapter para sa mabilisang imbestigasyon kaugnay sa insidente.