-- Advertisements --

Hinimok ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang mga mananampalataya na magsuot ng puting damit kada linggo ngayong buwan ng Oktubre at sa buwan ng Nobiyembre.

Giit ng CBCP, sa mga nakalipas na araw ay sunud-sunod na naranasan ng bansa ang mga kakila-kilabot na kalamidad tulad ng mga bagyo, volcanic eruptions, sunog, at mga lindol.

Dahil dito, ipinagdiinan ng CBCP ang panawagan nito sa publiko na makibahagi sa National Call to Prayer and Public Repentance at gawin ito kada araw ng linggo, at kung posible ay ipagpatuloy lamang ito hanggang sa Solemnity of Christ the King.

Hinimok din ng CBCP ang mga mananampalataya na maglagay ng puting ribbon sa mga bahay, simbahan, at iba pang public areas.

Ito ay bilang pagpapakita ng pagnanais ng bawat isa na magkaroon ng bukas, may pananagutan, at mabuting pamamahala.

Ito rin ay bilang munting panalangin para sa pagkakalinis ng bansa at maisalba ito mula sa mga serye ng kalamidad, at paghiling ng awa ng Diyos.

Umaasa ang CBCP na ang panahon ng panalangin at pagsisisi ay magdulot ng panibagong pag-asa, lunas, at ang pagpapanumbalik ng tiwala sa pag-iral ng katotohanan at hustisya.

Ayon sa Simbahan, ang pagsusuot ng puting damit ay magsilbing simbolo ng kadalisayan at kalinisan ng puso ng bawat isa at ng bansa.