Aabot na sa P1.5 billion ang halaga ng ayudang naipahatid ng pamahalaan sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 crisis.
Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello, namigay din ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng $200 cash assistance sa mga OFWs na hindi naman nawalan ng trabaho pero hindi nakabalik sa kanilang trabaho dahil sa quarantine measures.
Nang dumating ang mga ito sa Pilipinas, binigyan din sila ng cash assistance na nagkakahalaga ng P10,000.
Nilinaw naman ng kalihim na ang mga OFWs na nakatira sa mga lugar na kasalukuyang nasa ilalim na ng general community quarantine ay makakatanggap pa rin naman ng ayuda pero mula na sa Department of Social Welfare and Development.
Humiling na rin aniya ang DSWD ng karagdagang pondo sa pamahalaan na nagkakahalaga ng P1 billion para patuloy na mabigyan ng ayuda ang lumulobong bilang ng mga OFWs na humihingi ng ayuda.