Mananatili si Cardinal Luis Antonio Tagle bilang pro-prefect ng Dicastery for Evangelization hanggang sa magtalaga si Pope Leo XIV ng bagong Roman Curia officials.
Ayon sa kardinal, nakatanggap siya ng komunikasyon na nagkukumpirmang pinanatili ng bagong Santo Papa ang lahat ng mga opisyal sa Roman Curia hanggang sa magkaroon ng bagong desisyon.
Sa isang panayam kay Cardinal Tagle sa Pontificio Colegio Filipino sa Roma, hindi aniya sinabi ng Santo Papa na magkakaroon ng bagong mga opisyal sa loob ng isang buwan kayat marahil ay kailangan ng bagong pontiff na mag-reflect ukol dito.
Aantayin anila ang magiging desisyon ng Santo Papa kung nais niyang gumawa ng mga pagbabago.
Karaniwan kasi kapag pumanaw ang Santo Papa, na head ng dicasteries ng Roman Curia na tinatawag ding “prefects”, awtomatikong binabakante ng mga ito ang kanilang posisyon para hayaan ang bagong Santo Papa na magtalaga ng kaniyang mga cabinet members.
Matatandaan, taong 2022 nang itinalaga ng yumaong si Pope Francis si Cardinal Tagle sa naturang dicastery post.