Nananawagan na ang Cambodia ng agarang ceasefire o tigil putukan nang walang kondisyon sa Thailand matapos sumiklab ang labanan sa pagitan ng dalawang bansa noong Huwebes, Hulyo 24.
Ito ang ipinarating ni Cambodian ambassador Chhea Keo kasunod ng emergency meeting ng United Nation Security Council sa New York nitong Biyerens, na parehong dinaluhan ng mga kinatawan ng Cambodia at Thailand.
Bukod dito, sinabi din ng envoy na umaapela na ang Cambodia para sa mapayapang solusyon sa labanan sa pagitan nila ng Thailand.
Pinalagan naman ng envoy ang akusasyon na ang Cambodia ang umatake sa Thailand at itinanong na paano aniya magagawang atakehin ng mas maliit na bansa na walang air force ang isang mas malaking bansa na mayroong army na tatlong beses ang laki. Sa huli, iginiit niyang hindi nila ito ginawa.
Ipinatawag ng konseho ang dalawang panig para magpakita ng maximum restraint at resolbahin ang hidwaaan sa pamamagitan ng diplomatikong solusyon.
Sa ngayon, nagresulta na ang labanan sa paglikas ng mahigit 138,000 katao mula sa border regions ng Thailand at ikinasawi na ng 15 katao base sa health ministry ng bansa kung saan 14 dito ay mga sibilyan at isang sundalo, mayroon ding 46 na kataong nasugatan kabilang ang 15 mga sundalo.
Nagmarka naman ito sa pagtindi ng matagal ng alitan sa pagitan ng dalawang magkaratig-bansa na mayroong shared border na 800 kilometers.
Nag-ugat ang matagal ng border dispute sa pagitan ng Cambodia at Thailand sa 1907 map na nabuo noong panahon ng kolonyalismo ng Pransiya kung saan ang naturang mapa ang ginamit para ihiwalay ang Cambodia at Thailand.
Ginamit naman ng Cambodia ang mapa bilang basehan sa pag-angkin ng kanilang teritoryo, na hindi naman kinikilala ng Thailand at itinuturing ang naturang mapa na inaccurrate.