-- Advertisements --

Inatasan ni PNP chief Gen. Guillermo Lorenzo Eleazar ang Caloocan City police na tumulong sa contact-tracing kasunod ng nangyaring insidente ng hostage-taking sa lungsod na napaulat na isang super spreader event.

Magbababa ng memorandum ang PNP leadership para paalalahanan ang mga tauhan ng pulisya sa mga umiiral na protocol sa paghawak ng hostage-taking at iba pang kahalintulad na insidente, lalo na ang crowd control.

Ayon kay Eleazar, makikipagtulungan ang local police sa Caloocan City government, partikular ang Barangay 14, para hagilapin ang mga nagsiksikan at nakiusyoso sa hostage-taking na naganap nitong nakalipas na Sabado.

Binigyang-diin niya na sa ilalim ng police operational procedure tuwing may hostage-taking ay kailangang tiyakin na malayo sa publiko ang insidente at pagbawalan ang mga hindi awtorisadong tao upang hindi makagawa ng mas nakapamiminsalang hakbang ang hostage-taker.

Layunin din nito na maiwasang humantong sa mas malalang sitwasyon ang insidente.

Matatandaan na matagumpay na nasagip ng lokal na pulisya ang 15-anyos na hostage habang naaresto naman ang hostage-taker na ngayon ay humaharap na sa patung-patong na kaso.