Inanunsiyo ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ngayong ara ang pagkansela ng 14 na domestic flights dahil sa masamang lagay ng panahon na dulot ng Super Typhoon Nando.
Ayon sa CAAP, isang airline company ang nagkansela ng 10 biyahe sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) patungo at mula Laoag, Basco, Tuguegarao at Cauayan, at dalawang biyahe pa sa Clark International Airport patungo at mula naman sa Basco.
Samantala, kanselado rin ang dalawang biyahe pa ng isang airline company sa NAIA papunta at pabalik ng Laoag.
Kumpletong detalye ng mga kanseladong byahe:
CANCELLED FLIGHTS DUE TO ST NANDO
(Source: CAAP)
Philippine Airlines
Manila to Laoag (vice versa)
Clark to Basco (vice versa)
Manila to Basco (vice versa)
Manila to Cauayan (vice versa)
Manila to Tuguegarao (vice versa)
Cebu Pacific
Manila to Laoag (vice versa)
Tinatayang 700 pasahero ang naapektuhan ng mga kanselasyon. Nagbigay na ng tulong ang aviation personnel para sa rebooking, refund, pagkuha ng bagahe, at seguridad ng mga apektadong pasahero.
Bilang paghahanda, nagsimula na ring mag-install ng typhoon shutters ang pamunuan ng Basco Airport sa Batanes upang maprotektahan ang mga glass panel, pinto, at iba pang bahagi ng terminal.
Tiniyak ng CAAP na nakikipag-ugnayan ito sa state weather bureau, mga lokal na pamahalaan, at disaster risk reduction offices upang matiyak na handa ang lahat ng pasilidad sa himpapawid sa hagupit ng bagyo at sa posibleng dagdag pang flight cancellations.