BUTUAN CITY – Labis ang pagluluksa ngayon sa pamilyang Mabasle sa may Sitio Dinakpan, Barangay Los Angeles, Butuan City matapos brutal na pinatay ng rebelding New People’s Army ang ama na miyembro ng CAFGU Active Auxiliary o CAA.
Naganap ang pamamaril sa biktimang si Recto A. Mabasle, 50-anyos at nadestino sa Patrol Base ng Barangay San Antonio, Remedios Trinidad Romualdez (RTR), Agusan del Norte noong Nobyembre 28, 2019 sa alas 6:30 ng gabi.
Pinagbabaril ang biktima sa labas ng kanilang bahay sa mga NPA na nakasakay sa motorsiklo na kulay pula at puti.
Nagtamo ng 5 tama ng bala ang biktima na siyang dahilan sa agarang kamatayan.
Kaagad na tumakas ang mga suspek matapos natitiyak na wala ng buhay ang biktima.
Napag-alaman na naka-on leave ang biktima upang gunitain ang unang death anniversary sa kaniyang anak na si Gari Mabasle na miyembro rin ng CAA na napatay noong Nobyembre 29, 2018 matapos ang bakbakan na nangyari sa Sitio Kaunlaran, Barangay San Antonio, Remedios Trinidad Romualdez o RTR, Agusan Del Norte.