-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na may alternatibong paraan upang makalahok ang mga senador na nahaharap sa posibleng pag-aresto o pagkakakulong sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, nang hindi kinakailangang gumamit ng online participation.

Ayon kay Lacson, maaari umanong humingi ang Impeachment Court ng pahintulot o “leave of court” mula sa Sandiganbayan o iba pang korte kung saan nakabinbin ang kaso ng mga apektadong senador.

Kapag ito ay pinayagan, maaari silang dalhin sa Senado sa pamamagitan ng Bureau of Jail Management and Penology upang makadalo nang personal sa paglilitis.

Giit niya, hindi pinapayagan sa kasalukuyang Senate Rules ang online participation at voting maliban na lamang kung may matinding kalamidad, force majeure, o national emergency.

Binigyang-diin din ni Lacson na ang impeachment trial ay isang espesyal na hukuman ng Senado na itinakda ng Konstitusyon, kaya kinakailangan ang pisikal na presensya ng mga senator-judges.

Nagbabala rin siya na ang online participation ay maaaring maging delikado sa mga nagtatago o pinaghahanap ng awtoridad, dahil maaaring ma-track ang kanilang lokasyon sa pamamagitan ng kanilang internet connection, tulad ng IP address.

Sa kaso ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa, sinabi ni Lacson na maaaring magamit ng mga law enforcement ang online attendance upang matukoy ang kanyang kinaroroonan kung siya ay magla-log in sa sesyon gamit ang laptop o mobile device.

Si Dela Rosa ay nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) kaugnay ng war on drugs ng administrasyong Duterte, habang ang ilang senador ay nahaharap din sa iba’t ibang kaso ng graft at plunder na may kaugnayan sa flood control scandal at campaign donations.