-- Advertisements --

Inatasan na ni Department of Justice (DOJ) chief Jesus Crispin Remulla si Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gerald Bantag para mag-report hinggil sa naging pahayag ng sumukong suspek na inutusan umanong bumaril-patay sa broadcaster na si Percy Lapid na nasa loob umano ng New Bilibid Prison ang mastermind o utak ng krimen.

Paliwanag ni Remulla na hindi pa masasabi ngayon kung magkatugma ang sinasabi ng gunman at kung may nalalaman dito ang Director General.

Sinabi pa ng Justice chief na kailangan na matukoy kung sino ang utak ng krimen at kanila itong ibubulgar.

Una rito, sinabi ng gunman na si Joel Estorial, 39 anyos na kusang sumuko sa mga awtoridad nitong Lunes sa pagbaril-patay kay Lapid at sinabi din nito na ginawa lamang niya ang inutos sa kaniya ng isang lalaki na kilala bilang Orly o Orlando na nasa loob umano ng Bilibid.

Tinukoy din nito ang dalawa pang mga suspek na kasama umano sa anim na suspek na nasa likod ng pagpatay kay Lapid, ang magkapatid na sina Edmon Dimaculangan at Israel Dimaculangan.

Binigyan diin din ng Justice chief na malaki ang problema sa national penitentiary kaya’t kailangan na aniya na mareporma ang prison system sa bansa.