-- Advertisements --

NAGA CITY- Buong bayan pa rin ng Nabua, Camarines Sur ang apektado pa ngayon ng pagbaha dahil pa rin sa epekto ni Super typhoon Rolly.

Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Councilor Jun Jay Fortuna ng naturang bayan, sinabi nito na hindi pa rin maaaring madaanan ng mga small vehicles ang mga kalsada papunta sa lalawigan ng Albay dahil pa rin sa abot baywang ng lebel ng tubig.

Aniya sa kasalukuyan ay abot baywang pa rin ang lebel ng tubig dito kung saan halos lahat ng residente sa naturang bayan ay apektado.

Naitala rin umano ang malaking pinsala pagdating sa agrikultura sa nasabing lalawigan kung saan marami ring puno ang nabuwal.

Kaugnay nito, tiniyak naman ng konsehal na hindi aniya pababayaan ang mga residenteng apektado ng bagyo.

Sa kasalukuyan, wala pa naman aniyang naitatalang nasaktan o binawian ng buhay sa naturang lalawigan.