KORONADAL CITY – Ibinahagi ng isang ina ang kaniyang naranasan matapos yumanig ang malakas na intensity 5 na lindol sa lungsod ng Koronadal.

Isinalaysay sa Bombo Radyo Koronadal ng 27-anyos na si Ji-an Diaz, at isang buntis na nagmula sa lungsod at umuwi sa kanilang bayan sa Tantangan matapos dumalo sa birthday ng kaniyang manugang.

Pagdating aniya nito sa terminal, bumaba siya sa jeep at tiyempo namang yumanig ang paligid.

Dahil sa paggalaw ng jeep na sinakyan nito ay natumba siya.

Malapit na umano siyang sagasaan ng gulong ng jeepney kaya ginamit niya ang kaniyang likod bilang depensa upang maprotektahan ang kaniyang sinapupunan.

Dahil sa insidente ay nagtamo ito ng sugat sa kaniyang likod kaya kaagad itong isinugod sa South Cotabato Provincial Hospital.

Sa kabila ng pangyayari, nagpapasalamat pa rin siya na buhay pa rin lalo na ang kaniyang dalawang taong gulang na anak matapos ang insidente.