Inirekomenda ni Bulacan Governor Daniel Fernando sa pamahalaan ang pagtatayo ng mas maraming mga water reserviors at water impounding area upang matugunan ang labis na pagbaha, lalo na sa Probinsya ng Bulacan, kung saan apektado ang maraming mga probinsya sa Central Luzon.
Ayon kay Gov. Fernando, nakabubuting magpatayo pa ang pamahalaan, lalo na ang antional government, ng mga karagdagang dam na siyang magsisilbing ipunan ng tubig sa tuwing nagkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Kadalasan kasi aniyang tumutuloy sa mga kalsada, kabayahan, at iba pang mga mababang lugar ang mga naiipong tubig, na nagiging dahilan ng mga pagbaha o pagkalubog ng maraming lugar sa nasabing probinsya.
Dahil sa sitwasyon ng nasabing probinsya, kadalasan ding naaapektuhan ang mga biyahero papunta sa Northern Luzon, dahil na rin sa kinakailangan ng mga ito na dumaan sa probinsya ng Bulacan.
Ayon kay Gov. Fernando, maaaring magpatayo ang pamahalaan ng kahalintulad ng La Mesa Dam sa Quezon City kung saan tumutuloy ang tubig na naiipon sa tuwing nagkakaroon ng malalakas na pag-ulan.
Maliban sa pagtatayo ng mas maraming dam, iginiit din ng Gobernador ang kahalagahan na mahukay at malinisan na ang mga kailugan sa Central Luzon, dahil sa umano’y mababaw na ang mga ito.
Samantala, dahil sa pagbaha, umabot na sa P768,671,475 ang naitalang danyos sa sektor ng pagsasaka na kinabibilangan ng livestock, poultry, fisheries, at agricultural infrastructure.