-- Advertisements --

Inihayag ni Senador Jinggoy Estrada na handa niyang harapin ang mga kasong plunder at malversation na nakatakdang isampa ng Office of the Ombudsman laban sa kanya.

Ayon sa senador, makikipagpulong muna siya sa kanyang mga abogado upang pag-aralan ang kanyang mga legal na hakbang.

Nauna rito, sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na pipirmahan niya ang resolusyon para sa pagsasampa ng mga kasong plunder at malversation laban kay Estrada, kaugnay ng umano’y flood control anomalies na iniimbestigahan ng Department of Justice (DOJ).

Kasama rin sa mga rekomendasyon ng DOJ ang posibleng pagsasampa ng kaso laban kina Sen. Joel Villanueva at ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Nang tanungin kung may bahid ng politika ang mga kasong isinampa, tumanggi si Estrada na magbigay ng direktang sagot.

Sa kabila ng mga alegasyon, iginiit ni Estrada na patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin sa Senado.