-- Advertisements --

Muling ipinagpaliban ang budget debate sa plenaryo ng Kamara ang panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President na nasa P900 million dahil hindi sumipot si VP Sara.

Sa sesyon kahapon, tinanong ni House Minority Leader Marcelino Libanan kung naroroon ang bise presidente. Ayon kay House Deputy Majority Leader Arnan Panaligan, mga opisyal lang mula sa OVP ang dumalo para sa kanya.

Giit ni Libanan, bahagi ng patakaran ng Kamara ang personal na pagdalo ng mga pinuno ng ahensya sa budget deliberation.

Paliwanag naman ni Panaligan, ito na ang ikalawang pagkakataon na inilista sa agenda ang OVP budget, pero parehong opisyal lang ang dumalo at hindi si Duterte.

Dahil dito sinabi ni Panaligan na wala silang magagawa kundi ilipat ang deliberasyon ngayong araw October 2, 2025,  ito na ang huling araw ng plenary budget deliberations.

Ayon sa Office of the Vice President (OVP), kasalukuyang nasa lalawigan ng Cebu si Vice President Sara Duterte upang personal na makiramay at bumisita sa mga lugar na naapektuhan ng magnitude 6.9 na lindol.

Mananatili umano si Duterte sa Cebu hanggang Oktubre 2, 2025 at inaasahang bibisita sa mga apektadong lugar.

Ngayong araw nakatakda namang bumisita si Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa Cebu upang personal alamin ang sitwasyon at kalagayan ng ating mga kababayan.