-- Advertisements --

BTS is back !!!

Nakumpleto na ng pitong miyembro ng sikat na K-pop boy band group na BTS ang kanilang mandatory service.

Ito ay matapos ma-discharge na rin ngayong araw ng Sabado, June 21 ang BTS rapper na si Min Yoon-gi o Suga mula sa kaniyang alternative military service bilang social service agent.

Bagamat hindi binati ni Suga ang press na naga-abang sa labas ng kaniyang military base, inanunsiyo niya ang kaniyang discharge sa pamamagitan ng South Korean mobile app na Weverse. Dito, pinasalamatan ni Yoon-gi ang Army sa pag-aantay sa kaniya at sa kaniyang dalawang taong pagseserbisyo ay nagkaroon umano siya ng panahon para mag-reflect sa kaniyang sarili.

Humingi din ng tawad ang BTS member sa kaniyang drunk driving issue noong nakalipas na taon na aniya’y naka-disappoint at nakapagpa-alala sa kanilang fans. Matatandaan, pumutok ang isyu matapos umuwing nakainom ang BTS member gamit ang kaniyang scooter at sa mismong harapan na ng kaniyang bahay natumba bagamat wala namang nasugatan sa insidente at wala ring nasirang establishimento. Subalit nang suriin siya ng mga police officer na malapit sa lugar nakumpirmang nakainom siya ng alak kayat minultahan siya at sinuspendi ang kaniyang lisensiya.

Si Suga ang huling miyembro ng BTS na nakakumpleto ng mandatory military service requirement ng South Korea. Nag-enlist sa military si Suga noong September 2023.

Bunsod nito, inaantabayanan na ng fans ng grupo na Armys ang comeback ng BTS kasunod ng kanilang indefinite hiatus mula noong 2022.

Base sa ilang sources kabilang ang mga opisyal mula sa kompaniya ng BTS na HYBE, inaasahang mangyayari ang inaabangang comeback ng grupo sa March 2026.