Mariing itinanggi ng BigHit Music ang mga ulat na kasali ang BTS sa isang umano’y tribute album para sa yumaong pop icon na si Michael Jackson.
Ang ulat ay nag-ugat mula sa pahayagang The Irish Sun, kung saan sinabi ni Paddy Dunning, may-ari ng Grouse Lodge studio sa Ireland, na nag-record umano ang BTS ng kanta para sa nasabing proyekto.
Ngunit ayon sa pahayag ng BigHit Music, ang BTS ay hindi kailanman bumisita sa Grouse Lodge Studio sa Ireland o nakilahok sa anumang recording session para sa nasabing proyekto.
Dagdag pa ng label company, magsasagawa sila ng angkop na hakbang upang pigilan ang pagkalat ng maling impormasyon tungkol sa grupo.
Hindi pa nagbibigay ng tugon si Dunning o ang The Irish Sun sa naging pahayag ng BigHit.
Samantala, tapos na ang mandatory military service ng BTS members na sina RM, Jin, Suga, J-Hope, Jimin, V, at Jungkook. Nitong Hulyo, inilabas nila ang Permission to Dance live album, at kumpirmadong may paparating na bagong album at world tour sa 2026.