-- Advertisements --
Image © Bro. Eddie Villanueva FB Page

Pabor si CIBAC party-list Rep. Eddie Villanueva sa reimposition ng parusang kamatayan para sa mga karumaldumal na krimen.

Sinabi ito ni Villanueva, evangelist at president-founder ng Jesus is Lord Church, matapos na hilingin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address ang pagsusulong ng panukalang parusang kamatayan para sa mga kasong may kaugnayan sa iligal na droga at pandarambong.

Ayon kay Villanueva, “biblical command” ng Diyos ang death penalty para sa mga karumaldumal na krimen base sa old at new testament.

Subalit iginiit nito na kailangang magkaroon ng safety nets upang maiwasan na maging anti-poor implementation ang parusang kamatayan.

Mahalaga rin aniyang mapagbuti ang justice system sa bansa kung saan mabibigyan ng proteksyon ang mga akusadong mahihirap, na kadalasang hindi kayang makakuha magaling na abogado.

Pinaalalahanan din nito ang gobyerno na maging “wisdom driven” sa pagpapatupad ng mga polisiyang may malaking impact sa buhay ng taongbayan.

Samantala, naniniwala si Sen. Joel Villanueva na dapat na palakasin ang justice system sa Pilipinas sa halip na isulong ang death penalty.

May pangamba si Villanueva na posibleng maraming inosente ang mabibitay kung hindi maiaayos ang sistema sa hudikatura.

Giit nito, sa kasalukuyan ay maraming nakukulong na walang kasalanan ngunit hindi kayang kumuha ng dekalidad na abogado na magtatanggol sa kanila.

Sa panig naman ni Sen. Richard Gordon, sinabi nitong kahit ipatupad ang parusang kamatayan ay hindi pa rin mareresolba ang illegal drugs hangga’t hindi naiaayos ang implimentasyon ng mga batas.

Naniniwala si Gordon na hindi death penalty ang sagot para masawata ang problema sa droga.

Nangangamba ang mambabatas na kapag nagkamali sa death penalty ay hindi na maibabalik ang buhay ng inosenteng mahahatulan. (with report from Bombo Dennis Jamito)