Pumanaw na ang British actor na si Jeremy Bulloch sa edad na 75.

Ayon sa agent nito, nalagutan na ito ng hininga sa pagamutan kung saan dumanas siya ng kumplikasyon sa kaniyang kalusugan bukod pa sa dinapuan siya ng Parkinson’s disease.

Nakilala si Bulloch sa pagganap bilang si Boba Fett isang Mandalorian bounty hunter sa pelikulang “Star Wars: Episode V- The Empire Strikes Back noong 1980 at noong 1983 “Star Wars: Episode VI- Return of the Jedi.”

Jeremy Bulloch

Nagpaabot naman ng kalungkutan ang ilang mga kapwa nito artista na pinangunahan ni Daniel Logan, na siyang gumanap bilang Boba Fett noong “Star Wars: Episode II- Attack of the Clones” sa taon 2002.

Nag-post si Logan ng sa kaniyang Twitter ng larawan na kasama ang namayapang actor.

Maging ang actor na si Mark Hamil na gumanap na Luke Skywalker sa pelikulang “Star Wars” ay ikinalungkot ang pagpanaw ni Bulloch.

Inilarawan nito si Bulloch na isang napakabait na tao lalo noong ginagawa nila ang nasabing pelikula.

Isinilang sa Leicestershire, England si Bulloch noong 1945.

Lumabas din ito sa pelikulang James Bond na “Octopussy” at ang series na “Dr. Who”.

Magugunitang noong nakaraang buwan ay pumanaw na ang British actor na si David Prowse na gumanap bilang si Darth Vader sa original “Star Wars” trilogy.