-- Advertisements --

Pumanaw na ang Hollywood actor na si Michael Madsen sa edad na 67.

Ayon sa kaniyang publicist na si Liz Rodriguez, inatake umano ito sa puso kung saan natagpuan ang bangkay sa bahay niya sa Malibu.

Walang nakitang anumang foul play ang mga kasapi ng Los Angeles Police department ng rumesponde sila sa lugar.

Nakilala siya sa pagiging kontrabida sa pelikulang “Kill Bill” at “Species” noong 1995.

Kabilang din ito sa mga pelikulanga “Donnie Brasco” noong 1997 at sa James Bond movie na “Die Another Day” noong 2002.

Noong dekada 80 ay sumikat ito sa iba’t-ibang mga TV shows sa America hanggang napasok niya ang paggawa ng pelikula.

Noong nakaraang taon ay inaresto siya dahil umano sa domestic battery misdemeanor matapos ang pakikipagtalo sa asawang si DeAnna Madsen.

Matapos ang isang buwan ay naghain ito ng divorce laban sa asawa.

Noong 2019 din ay inaresto siya dahil sa pagmamaneho ng lasing at 2012 ay inaresto din dahil sa pananakit sa binatang anak.

Bumuhos naman ng pakikiramay mula sa mga nakasama nito sa pelikula matapos malaman ang malungkot na balita.