KORONADAL CITY – Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act No. 10951 o Illegal Possession of Firearms and Ammunitions ang isang barangay captain matapos na makuhaan ng mga armas at eksplosibo sa bahay nito sa Cotabato City.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group–Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (CIDG-BARMM), kinilala ang suspek na si Peter Cortez Morales, kapitan ng Barangay Rosary Heights 1 sa nasabing lungsod.

Napag-alamang isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inisyu ng regional court sa Kabacan, North Cotabato kung saan narekober sa posisyon ni Morales ang dalawang .45-caliber na armas, mga magazine at bala.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng CIDG-BARMM ang nasabing suspek.