-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Binawian na ng buhay sa pagamutan ang barangay chairwoman na tinambangan sa siyudad ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Bai Ella Biruar, chairwoman ng Mother Barangay, Bagua, Cotabato City.

Sugatan naman sina Jasmin Samson at Princess Odin.

Una rito, lulan ang mga biktima sa sasakyan ni Kapitana Biruar ng ito ay pagbabarilin ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan sa harap ng San Roque Chapel sa Purok Manday, MB Bagua sa lungsod.

Nagtamo ng matinding tama ng bala si Biruar sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan habang nasa ligtas ng kalagayan ng kanyang dalawang kasamahan.

Bago tinambangan ang mga biktima ay katatapos lang nitong kumain sa Southseas Mall at papauwi na sana sa tahanan ng brgy chairwoman.

Personal na alitan o rido ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pananambang sa grupo ni Biruar na patuloy nilang iniimbestigahan