-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Hiniling ng Boracay Inter-Agency Rehabilitation Management Group (BIARMG) kay Pangulong Rodrigo Duterte na mapahaba pa ang kanilang panunungkulan sa isla ng Boracay.

Ayon kay Natividad Bernardino, head ng BIARMG na nagsumite na sila ng proposal sa Malacañang noong Marso upang mapalawig ang termino ng Boracay Inter-Agency Task Force ng isang taon at anim na buwan.

Ang BIARMG ay sa ilalim ng BIATF na nabuwag noong Mayo 8.

Binuo ito sa pamamagitan ng Executive Order 53, series of 2018, na siyang nagpatupad ng anim na buwang pagpapasara sa Boracay noong 2018 matapos na bansagang “cesspool” ng Pangulo.

Dagdag pa ni Bernardino na sa ngayon ay nahinto ang kanilang ginagampanang papel kaugnay sa ginagawang rehabilitasyon sa isla makaraang wala pang desisyon si President Duterte.

Ilan pa sa mga nakatenggang trabaho sa Boracay ay ang proyekto ng Department of Public Works and Highways, Tourism Infrastructure Enterprise Zone Authority, at Department of Environment and Natural Resources (DENR).