Mariing itinanggi ni Senador Bong Go na personal niyang kakilala ang mag-asawang Curlee at Sara Discaya at iginiit na hindi siya sangkot sa anumang maanomalyang proyekto ng gobyerno.
Ang pahayag ng senador ay matapos sabihin ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon na iniimbestigahan na ng kanyang tanggapan at ng Ombudsman ang posibleng kaugnayan ng mga Discaya sa CLTG Builders—isang kumpanyang nakabase sa Davao City na pagmamay-ari ng ama ni Go.
Sa pulong balitaan, iginiit ni Go na tila “tinatarget” siya kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y maanomalyang mga proyekto sa flood control.
Aniya, wala raw siyang kinatatakutan dahil wala umano siyang ginagawang kasalanan at kaisa raw siya ng mga Pilipino sa paglaban sa korapsyon.
Sinabi pa ng senadorna tila inililihis ang buong katotohanan at dapat aniyang hanapin ang tinukoy niyang “buwaya” at “mastermind” sa umano’y korapsyon sa infrastructure projects.
Nagpahayag naman si Go ng kahandaang maging complainant at isakdal ang mga sangkot sa mga maanomalya o substandard na proyekto, kahit pa kamag-anak niya ang mga ito.
Wala raw siyang pakialam kung kamag-anak pa ang masangkot, basta’t mapanagot ang mga tunay na responsable.