CAUAYAN CITY- Nagpalabas na ng flash alarm ang mga Cauayan City Police Station may kaugnayan sa binatang umanoy dinukot sa barangay District 2, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PLt. Scarlette Topinio, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station na patungo ang biktimang si Jaymar Marcos Calucag, 18 anyos, binata, residente ng Purok-6, Cabaruan, Cauayan City sa prosecutor’s office.
Nag-ulat anya ang ina ng binatilyo ng himpilan ng pulisya kaugnay sa pagkakadulot ni Jaymar.
Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na sakay ng tricycle patungo sa prosecutor’s office ang biktima kasama ang kanyang ina, tiyahin at kanyang step father ngunit pagdating malapit sa harapan ng tanggapan ng water district ay may bigla na lamang humarang sa kanilang daanan ang isang black sedan na sasakyan.
Sapilitan anyang tinangay ng tatlong lalaking armado ang biktima at isinakay sa sasakyan patungong silangang direksiyon.
Sinabi ni Plt. Topinio na ang biktima ay una nang naaresto noong ikalabing isa ng Nobyembre dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 4136 (Transportation and Traffic Code) at patungo sana sa Prosecutors Office nang bigla siyang dukutin
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang pagsisiyasat ng pulisya ukol sa pagkakilanlan ng mga dumukot sa biktima.