-- Advertisements --

Aprubado na sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na magtataas sa excise tax rates ng mga nakakalasing na inumin at tobacco products sa bansa.

Idinaan sa “viva voce voting” ang pag-apruba sa substitute bill 1206 o ang Act Amending the National Revenue Code of 1997.

Sa ilalim ng panukala, itataas sa P6.60 ang excise tax na ipinapataw sa mga alcoholic drinks, kumpara sa probisyon ng ng Republic Act 10351 o ang Excise Tax reform Law on Tobacco and Alcohol.

Sakaling maisabatas, magkakaroon ng “ad valorem rate” na 22-percent simula January 2020.

Sakop nito ang specific tax rates per proof liter ng P30, P35, P40, P45 hanggang 2023 para sa mga distilled spirits.

Tataas din ito ng 5-percent kada taon simula 2024.

Sa kasalukuyang RA 10351 ang mga alak ay mayroong P22.40 specific tax at ad valorem tax na 20 percent.

Inaprubahan din ang P650 unitary rate para sa mga sparkling wines.

Samantala, tinaas naman sa P2.10 ang buwis sa mga still at carbonated wines, habang ang may alcohol content na mas mataas sa 14-percent ay may P4.10 na pagtaas.

Ang inaprubahang tax rate naman para sa fermented liquors ay tinaas sa P2.60.

Sa sin tax naman para sa tobacco products ay magkakaroon ng P45 na pagtaas ng buwis sa kada pakete ng sigarilyo pagsapit ng January 1, 2020 at tataas ito ng limang piso bawat taon hanggang 2023.

Mula naman sa taong 2024 ay itataas ito ng limang porsyento kada taon.

Bukod sa sigarilyo, papatawan na rin ng buwis ang vape o e-cigarettes products.

Sa ilalim nito, simula January 1, 2020 ay papatawan ng P10 tax ang 10-milliliters na individual cartridge, refill, pod o container ng vapor products.

Kung lalagpas naman ito sa 50-milliliters ay papatawan ng P50 na buwis at karagdagan pang P10 kada additional 10-milliliters.