Iginiit ng ilang mga mambabatas sa Mababang Kapulungan na wala silang nilabag na batas matapos maisapubliko ang umano’y bank accounts ni Mans Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte sa pagdinig ng House committee on justice kaugnay ng impeachment case ng Bise Presidente.
Sa pagdalo kahapon sa Quezon City prosecutor’s office ni Mamamayang Liberal Rep. Leila de Lima, kasama sina Akbayan Reps. Chel Diokno at Perci Cendaña, para sa preliminary investigation sa reklamong inihain ni Carpio, sinabi nito na isa lamang umanong “diversion” sa tunay na isyu ang reklamo kung saan maituturing na harassment daw ito laban sa kanila.
Ayon kay Cendaña, ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho bilang mga mambabatas, habang iginiit ni Diokno na hindi dapat ginagamit ang batas upang patahimikin ang mga opisyal na gumaganap lamang sa kanilang tungkulin.
Sa panig naman ni Carpio, sinabi ng kanyang abogado na nalabag umano ang karapatan nito sa privacy nang isiwalat sa pagdinig ang records mula sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Samantala, naghahanda na rin ang prosecution team ng Kamara para sa impeachment trial ni VP Sara sa Senado na nakatakdang umusad sa Mayo 18. Ayon kay Manila 3rd District Rep. Joel Chua, inaayos na nila ang mga mosyon, ebidensya, testigo at legal na argumento para sa paglilitis.
















