Hindi hihiling ang House prosecution panel na mag-inhibit si Senator-Judge Pia Cayetano sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa kabila ng kumalat na umano’y manipulated video na nagpapakitang inamin ni House prosecutor at Akbayan Rep. Chel Diokno na nagsasagawa sila ng “fishing expedition.”
Ayon kay prosecution legal spokesman Atty. Benjamin Tolosa Jr., hindi nila nais na ituon ang usapin sa personalidad at patuloy nilang binibigyan ng benepisyo ng pagdududa si Cayetano. Posible rin aniyang ang kanyang social media staff o handlers ang nagkamali sa pag-post ng naturang video.
Samantala, sinabi ni prosecution adviser at spokesman Robert Ace Barbers na batid ng mga senator-judges ang tunay na konteksto ng naging pagdinig kaugnay ng hiling na ma-subpoena ang bank at tax records ni Vice President Duterte at ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Nanawagan din si Barbers sa publiko na maging mapanuri laban sa maling impormasyon at nagpahayag ng tiwala na susundin ng mga senator-judges ang kanilang sinumpaang tungkulin na manatiling patas at walang kinikilingan sa paglilitis. (Report by Bombo Jai)
















