Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na handa itong arestuhin si Senador Ronald “Bato” dela Rosa anumang oras kaugnay ng implementasyon ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC), ngunit kinakailangan umano itong dumaan sa tamang proseso sa pamamagitan ng Interpol at court order.
Ayon kay PNP spokesperson PBGen Randulf Tuaño, malinaw ang direktiba ni Interior Secretary Jonvic Remulla sa pamunuan ng PNP na ipatupad lamang ang contingency plan kapag may kumpirmadong ICC warrant.
Ipinaliwanag ni Tuaño na kinakailangan munang ipadaan ang warrant sa Interpol at magkaroon ng kaukulang utos mula sa lokal na hukuman bago ito ipatupad.
Matatandaan na kinumpirma ng ICC noong Lunes na naglabas ito ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng mga pagpatay sa ilalim ng ‘war on drugs’ campaign noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Samantala, sinabi ni dating senador Antonio Trillanes IV na naipadala na umano sa Presidential Center for Transnational Crime (PCTC) ang kopya ng ICC arrest warrant.
Sa ngayon ay nasa protective custody ng Senado si Dela Rosa.
Liban dito naghain ang kampo ng senador nang manifestation sa Korte Suprema upang humingi ng agarang judicial protection laban sa posibleng pag-aresto at paglilipat sa kanya sa ICC.















