-- Advertisements --

Bumaba na sa humigit-kumulang na 450,000 ang bilang ng mga sundalo ng bansa ayon sa Ministry of National Defense ng South Korea, kung saan nabawasan ng 20% sa nakalipas na anim na taon.

Itinuturo ng mga awtoridad bilang pangunahing dahilan ang patuloy na pagbaba ng birth rate, na ngayo’y nasa 0.75 na lamang kada babae ang nanganganak na pinakamababa sa buong mundo.

Obligado pa rin ang military service sa South Korea dahil hindi pa pormal na natatapos ang digmaan nito sa North Korea, na may tinatayang 1.3 milyong aktibong sundalo.

Ayon sa isang pag-aaral, kailangan ng South Korea ng hindi bababa sa 500,000 sundalo upang epektibong depensahan ang sarili mula sa posibleng pag-atake ng North Korea.

Sa patuloy na pagbagsak ng bilang, sinabi ng mga eksperto na nasa “mahirap na posisyon” ang bansa pagdating sa pambansang depensa.

Mula 2006, nabawasan din ang bilang ng military divisions mula 59 pababa sa 42, bunga ng pagsasanib o pagbuwag ng ilang unit.

Bilang tugon, patuloy na tumataas ang budget sa depensa ng bansa. Nitong taon, umabot sa mahigit $43 billion ang pondo ng pamahalaan sa military, mas malaki kaysa sa kabuuang GDP ng North Korea.

Bagama’t sapilitan ang military service sa mga kalalakihan, nananatiling kontrobersyal ang sistema, lalo na dahil sa epekto nito sa career ng mga kabataan.

May ilang konserbatibong panig din ang nananawagang isama na rin ang mga kababaihan sa conscription sa gitna ng krisis sa populasyon.