-- Advertisements --

CEBU CITY – Napatunayan ng Emergency Operations Center (EOC) na biglang dumami ang mga nahawaan ng COVID (Coronavirus Disease) sa Cebu City dahil sa mga mass gathering.

Una nito, nakipagkita si Mayor Edgardo Labella kina EOC Deputy Chief Joel Garganera at COVID Task Force Chief for the Visayas na si Environment Sec. Roy Cimatu sa lungsod kahapon.

Napag-alaman ni Cimatu na nangyari ang hawaan ng coronavirus sa inuman, sa loob ng opisina, pati na rin sa maternity clinic.

Ngunit nilinaw naman ni Labella na “manageable” ang naitalang infections ng COVID lalo na at kumokonti ang mga pasyenteng nahahawaan ng virus.

Pero payo ni Cimatu sa publiko na huwag pa ring magpakampante at sumunod palagi sa mga minimum health and safety protocols.

Samantala, iginiit ng Department of Health (DOH)-7 na walang nangyaring second-wave ng COVID-19 infections sa lungsod sa kabila ng biglang pag-akyat ng kaso.