Nagbabala ngayon ang Department of Energy (DOE) sa mga gas stations na magsasabing wala ng imbentaryo ngayong araw ang produktong petrolyo pero pagsapit ng kinabukasan ay saka magbebenta para isabay sa oil price hike.
Ayon kay Director Rodela Romero, assistant director ng Department of Energy – Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB), kung sakaling merong gas station magkukunwari ng ganito, isa aniyang uri ito ng hoarding.
Sa ngayon ay sapat umano ang supply at imbentaryo ng produktong petrolyo ng bansa.
Kaya naman maging ang mga consumers hindi rin dapat mag-imbak ng gasolina dahil sa pangamba na baka magtuloy-tuloy muli kada linggo ang pagtaas sa presyo.
Kaugnay nito, umapela ang DOE sa oil industry na ‘wag gagawa ng artificial shortage.
Una namang nagkumpirma ng kanilang oil price increase para bukas ang Pilipinas Shell, PTT, at Sea Oil na magpapatupad bukas ng alas-sais ng umaga.
Sumunod namang nag-abiso rin ang Phoenix Petroleum Philippines, at ang Caltex Phils. Inc. na mas maaga ang implementasyon ng price adjustment bukas ng alas-12:01 ng madaling araw.
Ang Clean Fuel naman ay bukas pa ng alas-otso ang implementasyon.
Ang pagtaas ng presyo ng gasolina ay aabot sa P1.40 bawat litro; sa kerosina ay may big time oil price increase na nasa P6.10 kada litro, ganon din naman sa krudo na aabot sa P6.10 bawat litro.