Umapela si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Anthony Viado sa Municipal Trial Court (MTC) na ibalik sa kanilang kustodiya si Tony Yang.
Sa isang pahayag, sinabi ni Viado na humiling ang BI sa MTC Branch 7 sa Cagayan de Oro na ililipat sa kanila ang kustodiya ni Yang sakaling payagan itong makapagpiyansa ng korte.
Si Yang, na umano’y gumagamit din ng pangalang Yang Jianxin sa kanyang mga Chinese documents, y naaresto noong 2024 ng fugitive search unit at intelligence division ng Bureau of Immigration (BI), katuwang ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos itong dumating mula sa Cagayan de Oro (CDO).
Kasalukuyang naka-detine si Yang sa Cagayan de Oro (CDO), kung saan umano’y nahaharap siya sa mga kasong falsification of public documents, perjury, at paglabag sa Anti-Alias Law sa mga lokal na hukuman — pawang mga kasong maaaring piyansahan.
Gayunman, nahaharap din si Yang sa kasong deportation dahil sa pagpapanggap umano bilang isang Pilipino.
Ayon kay Viado, dahil may nakabinbing kaso pa ng deportation si Yang sa ahensya, dapat itong ibalik sa kustodiya ng BI upang maiwasan ang posibilidad na makatakas ito sa pagkakakulong.















