-- Advertisements --

Kinoronahan na ang mga bagong set ng mga beauty queens.

Nanguna ang pambato ng Cebu na si Nicole Borromeo na nagwagi ng Bb. Pilipinas International; Gabrielle Camille Basiano ng Samar bilang Bb. Pilipinas Intercontinental; Chelsea Fernandez ng Tacloban City bilang Bb. Pilipinas Globe at Roberta Angela Tamondong ng San Pablo Laguna bilang Bb. Pilipinas Grand International.

Nangibabaw si Borromeo sa 39 iba pang mga kandidata sa coronation night na ginanap sa lungsod ng Quezon nitong gabi ng Hulyo 31.

Bb Pilipinas

Nakuha naman si Herlene Nicole Budol bilang first runner up at Stacey Daniella Gabriel bilang second runner up.

Humakot naman ng pitong special awards ang komedyante at actress na si Budol na kinabibilangan ng Binibining Silka, Binibining World Balance, JAG Queen, Binibining Kumu, Bb. Pizza Hut 2022, Bb. Shein at Manila Bulletins Reader’s Choice Award.

Naibulsa naman ang award na Bb. Moist Diane Shampoo ng pambato ng Iloilo City na si Karen Laurrie Mendoza habang ang pambato ng Tacloban City na si Chelsea Fernandez ay nagwagi bilang Bb. Ever Bilena at Best in Swimsuit at Best in Evening Gown ang nakamit ni Gabrielle Camille Basiano.

Ipinasa ni Hannah Arnold ang Bb. Pilipinas International title habang si Samantha Panlilio ay ipinasa ang korona kay Tamondong bilang bagong Bb. Pilipinas Grand International.

Sasabak muna si Arnold sa 60th Miss International pageant sa Disyembre dahil naantala ang pageant noong nakaraang taon kaya si Borromeo ay sa susunod na taon na ito sasabak.

Habang ang tatlong 2022 Bb. Pilipinas queens ay sasabak sa kani-kanilang international events sa buwan ng Oktubre.

Naging host naman sa pageant si 2018 Miss Universe Catriona Gray, 2016 Miss Grand International first-runner up Nicole Cordoves, Samantha Bernardo at Edward Barber.