BUTUAN CITY – Pinuri ni Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar ang pagresponde ng mga tauhan ng Butuan City Police Station 1 sa insidente nitong nakalipas na Sabado ng umaga.

Una rito, may dala-dalang armas ang isang Raymundo Cuenca III matapos nitong mabaril-patay ang kanyang ate na si Rae Jane Cuenca Sobremisana at nais ding patayin ang bunso pa nitong kapatid na si Ryan.

Sa pagdating ng heneral sa Camp Rafael Rodriguez sa Brgy. Libertad nitong lungsod, kanyang pinuri si Cpl Jenos Asaron ng Butuan City Mobile Force Company, na nakasibilyan lamang nang agawin nito ang kalibre .45 na pistolang hawak-hawak ng suspek na may limang mga bala.

Sinaluduhan ni Gen Eleazar ang Butuan City Police sa mabilis na pagresponde kung kaya’t naiwasan ang posibleng mas masama pa sanang mangyayari.