-- Advertisements --

Inihayag ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Pola sa Oriental Mindoro na naghahanap pa rin sila ng mga posibleng alternatibong pagkakakitaan para sa mga mangingisda na apektado ng oil spill.

Daan-daang mangingisda kasi ang inutusang manatili muna sa pampang hanggang sa ligtas na silang makapangisda.

Ito’y habang ang mga awtoridad ay nagsasagawa ng paglilinis ng mga tumagas na langis mula sa motor tanker na Princess Empress.

Ayon kay Mayor Jennifer “Ina Alegre” Cruz, naapektuhan ng oil spill ang 11 coastal barangays sa Pola at nagdeklara ng state of calamity.

Aniya, hindi na raw makapangisda ang mga residente dahil namatay na rin ang mga isda dahil sa epekto ng tumagas ng langis.

Dagdag niya, sa 4,800 pamilyang apektado ng oil spill, humigit-kumulang kalahati dito ang umaasa sa pangingisda para sa kanilang kabuhayan.

Una na rito, binigyang diin ng ilang mga mambabatas na ang pambansang pamahalaan ay tutulong upang magkaroon ng alternatibong pangkabuhayan ang mga apektadong residente.