Nilinaw ng Malacañang na hindi humihingi ng tulong pinansyal mula sa ibang bansa ang Pilipinas.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, ito ay sa kabila ng matinding pinsalang idinulot ng Bagyong Tino sa maraming lugar sa bansa.
Sinabi ni Castro na may sapat pang pondo ang pamahalaan para sa mga ganitong sitwasyon.
Dagdag pa niya, maaaring mapunan muli ang quick response fund ng pamahalaan kung kinakailangan.
Makakaasa rin ang mga lokal na pamahalaan na mangangailangan ng karagdagang pondo sa tulong mula sa pamahalaang nasyonal.
Sa kabila nito, may mga bansang miyembro ng ASEAN, kasama ang Australia, Canada, at Estados Unidos, na nagpahayag ng kahandaang tumulong sa pagbangon ng bansa.
Ayon kay Castro, bagama’t handang tumulong ang mga nabanggit na bansa, hindi pa nananawagan ang Pilipinas para sa tulong pinansyal mula sa ibang bansa sa ngayon.










