VIGAN CITY – Aabot na sa mahigit P54 na milyon ang halaga ng pinsalang naitala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaugnay sa dalawang malakas na lindol na tumama sa Itbayat, Batanes noong madaling araw ng July 27.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NDRRMC-Office of Civil Defense spokesman Mark Timbal, na tumaas ang halaga ng pinsala mula sa nasabing lindol dahil mas naunang naitala ang pagkasira ng Itbayat District Hospital na aabot sa P40 milyon at ang pinsala naman sa Itbayat Rural Health Unit ay nasa P7 milyon.
Base sa huling tala ng NDRRMC, ayon kay Timbal, dumagdag sa bilang ng mga napinsala ang 16 road sections at slope protection sa lugar.
Kasama na rin dito ang halaga ang pinsalang naidulot ng lindol sa mga kabahayan.
Maliban dito, aabot naman sa 1,025 na pamilya o 2,968 na indibidwal ang naapektuhan sa kalamidad.
Tiniyak naman ng opisyal na tuloy-tuloy ang relief operations ng NDRRMC at ng mga lokal na gobyerno sa Itbayat.