Inilagay na sa Blue Alert Status ang buong lalawigan ng Batanes dahil sa banta ng Bagyong Mirasol.
Ito ay upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at paghanda sa anumang posibleng epekto ng bagyo.
Ang pagtatataas sa Blue Alert Status ay naaayon din sa direktiba na nagmula sa Cagayan Valley Disaster Risk Reduction and Management Council (CVDRRMC) at sa Department of Interior and Local Government (DILG).
Si Acting Governor Jonathan Enrique Nanud, Jr. ang nag apruba sa pagsasailalim sa Blue Alert Status sa buong probinsya.
Sa pamamagitan ng pag-apruba na ito, inirerekomenda sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa Batanes na agad na i-activate ang kanilang mga Emergency Operation Center.
Bukod pa rito, hinihimok din ang mga lokal na pamahalaan na maging alerto at tutukan ang pagbabantay sa posibleng tahak ng bagyo upang makapagbigay ng napapanahong impormasyon sa kanilang mga nasasakupan.
Nagpulong naman ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council para talakayin ang kanilang paghahanda.