-- Advertisements --

Bagamat hindi na raw nahintay ng yumaong ina ang pagkakapasa nito sa bar examinations, inihahandog pa rin ni Irene Menodoza-Ulep ang kanyang tagumpay matapos pumasa sa prestihiyosong pagsusulit.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa bar passer na si Mendoza-Ulep, sinabi nitong hiling daw ng kanyang ina bago mamatay na mag-take ulit ng bar exam.

Kwento nito, nag-take daw kasi siya ng bar exam noong nabubuhay pa ang kanyang ina pero hindi ito pumasa.

Proud naman ang asawa ni Irene na si Atty. Philip Ulep na siyang tumulong at nagpaaral sa kanyang misis.

Aniya, mas masaya pa raw siya ngayon kumpara noong pumasa ito sa bar exam noong taong 2016.

Una nang inanunsiyo ni Supreme Court associate justice at Bar Examinations chairperson Marvic Leonen na umaabot sa 8,241 ang mga pumasa sa kauna-unahang digitalized Bar examinations na isinagawa noong nakalipas lamang na buwan ng Pebrero ng taong kasalukuyan.

Ang naturang bilang ng mga nakapasa ay katumbas ng passing rate na 72.28%.