-- Advertisements --

Nakiramay ang Office of Civil Defense (OCD) sa pamilya ng mga sundalong nasawi sa pagbagsak ng Super Huey sa Butuan City, Agusan del Sur.

Maaalalang magsasagawa sana ng Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) ang naturang team kasunod ng pananalasa ng bagyong Tino subalit nangyari ang trahediya.

Sa opisyal na mensaheng inilabas ng OCD, kinilala ng ahensiya ang katapangan at dedikasyon ng mga nasawing airmen.

Giit ng ahensiya, nagawa nilang pagsilbihan ang bansa nang buong tapang habang ipinapakita ang pagiging hindi makasarili.

Nag-alay din ng panalangin ang OCD para sa mga namayapang sundalo, sa pamilyang naiwan ng mga ito, at para sa buong Philippine Air Force na nagluluksa kasunod ng naturang insidente.

Ayon sa AFP Eastern Mindanao Command, nagmula ang naturang team sa Davao Air Station at patungo sa Tactical Operations Group 10 na nakabase sa Butuan City.

Unang nawala ang komunikasyon sa naturang aircraft hanggang sa matunton ang pagbagsak nito sa Loreto, Agusan del Sur na nagresulta sa pagkasawi ng anim na katao.