Naniniwala si Vice President Leni Robredo na hindi na kailangan pang magbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na wakasan ang Visiting Forces Agreement (VFA) sa Estados Unidos kung bigo ang mga ito na makapagbigay ng COVID-19 vaccines sa Pilipinas.
Sinabi ni Robredo na hindi kailangan ang pagbabanta ni Pangulong Duterte laban sa America kung nasa maayos naman aniya ang programa ng Pilipinas pagdating sa pagbili ng mga bakuna kontra COVID-19.
Maraming bagay aniya na hindi kailangan sa mga panahon ngayon katulad na lamang nang pakikipag-away na “wala namang basehan” sapagkat hindi naman aniya ito nakakatulong sa problemang kinakaharap ng bansa sa gitna ng pandemya.
Sa ngayon, tuloy ang dayalogo sa pagitan ng Pilipinas at Pfizer, Moderna at iba pang manufacturers para sa supply ng COVID-19 vaccines.
Ayon kay Robredo, ang dapat na gawin ngayon ng pamahalaan ay tutukan na lamang ang pagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa publiko patungkol sa vaccination program sa halip na magbanta sa ibang mga bansa.
Sa ganitong paraan, sinabi ng bise presidente na makakatulong ito para mapakampante ang tao sa hinihintay na bakuna kontra COVID-19.
Nauna nang itinanggi ng Malacanang na bina-blackmail ni Duterte ang US, sa pagsasabi na iginigiit lamang daw ng Pangulo ang independent foreign policy ng Pilipinas.