Inihayag ng ICC-accredited lawyer na si Atty. Joel Ruiz Butuyan sa isang panayam na maaari lamang pansamantalang ma-release ang dating pagulong si Rodrigo Roa Duterte kung malapit ito sa bansang The Netherlands kung saan ililitis sa International Criminal Court (ICC) sa The Hague.
Ang naturang pahayag ay kasunod ng hiling ng kampo ni Duterte na pansamantalang palayain siya patungo sa isang hindi pinangalanang bansa na umano’y pumayag na siyang i-host.
Ani Butuyan, ang bansa na maaaring tumanggap lamang kay Duterte ay kailangang miyembro ng ICC upang masunod ang mga alituntunin ng korte.
Magugunitang kinumpirma ng prosekusyon na hindi sila tutol sa request ng kampo ng dating Pangulo basta’t masunod ang mga kondisyon, kabilang ang pagbabawal kay Duterte na gumamit ng internet o cellphone at tanging pamilya lamang ang maaaring makipag-usap dito.
‘Di naman alintana para sa ICC lawyer ang pangamba sa posibleng pagpapalaya kay Duterte na magdudulot aniya ng takot sa mga biktima ng extrajudicial killings sa ilalim ng kanyang kampanyang ‘war on drugs,’ at maaaring makaapekto rin sa integridad ng International Court.
Pinabulaanan din niya ang mga kumalat na balita tungkol sa senador na maaaring maibalik umano si Duterte sa Pilipinas, at tinawag niya itong “fake news.” Ayon kay Butuyan, ang kasong kinahaharap ng dating pangulo ay hindi politikal, kundi ukol sa mabibigat na krimen laban sa sangkatauhan.