ROXAS CITY – Ramdam ang lungkot sa naiwang mga anak at asawa ng isang ginang na namatay sa sunog kasama ang isa pang anak sa nirerentahang bahay sa Purok 1, Barangay Libas, Roxas City.

Tulala at hindi halos makapagsalita ang padre de pamilya na si Melvin Solis habang tinitingnan ang nasusunog na bahay kung saan hindi nakalabas ang misis na si Josefa Progio at Grade 6 pupil na anak na si Charlotte.

Kasalukuyan namang ginagamot sa ospital ang dalawa sa tatlong anak ng mag-asawang Melvin at Josefa na nakaligtas sa kabila ng mga natamong paso sa katawan.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Roxas kay alyas Toto, bunso sa apat na nak ng mag-asawa, sinabi nito na ginising sila ng kanilang ina at agad na dinala sa banyo at pinadaan sa bintana.

Nakalabas naman sa bintana sina Joy Faith, 13; Noemi Grace, 12; at alyas Toto, 7, ngunit hindi nakayanan ng isa pang anak na si alyas Charlotte na pinaniniwalaang na-suffocate na ito sa usok.

Tuluyang nawalan na ito ng malay ngunit hindi siya iniwan ng ina.

Samantala, narekober sa banyo ang bangkay ng mag-ina na magkayakap kasama ang tatlong alagang aso.