CAUAYAN CITY – Inilibing na ng mga kinauukulan ang natagpuang bangkay sa Barangay Dingading na kinilalang isa sa mga mataas na Lider ng Communist Party of the Philippines New People’s Army o (CPP-NPA).
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa San Guillermo Police Station, kahapon ay tuluyan nang inihatid sa huling hantungan ang nasabing napaslang na mataas na Pinuno ng makakaliwang Grupo na kinilala sa pangalang Rosario Canubas o ‘ka Yuni’.
Sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit ng San Guillermo, Isabela sa ilalim ni Mayor Marilou Narne Sanchez, San Guillermo Police Station at ng Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ng 86 Infantry Battalion ay maayos na naihimlay sa Municipal Public Cemetery ang mga labi ni Ka YUNI.
Pinangunahan naman ni Pastor Daniel Medina ng Church of Christ ang pagbabasbas.
Matatandaang naganap ang engkwentro sa pagitan ng mga tropa ng 86th IB at ng NPA sa barangay San Mariano Sur, San Guillermo, Isabela noong March 15, 2021 at hinihinalang may mga nasugatang kasapi ng rebeldeng grupo.
Kasunod nito ang pagsasagawa ng Hot Pursuit operation ng mga awtoridad at natagpuan ang isang bagong hukay sa Barangay Dingading kung saan inilibing ang napatay na mataas na lider ng mga rebelde.